Magtiwala ka sa Diyos. Madalas
natin naririning ang mga salitang ito sa ating mga magulang o sa mga matatanda
kapag alam nila na tayo ay may mabigat na dinaraanan. Magtiwala ka lang sa
Diyos. Bakit nga ba hindi kung ang kagustuhan ng Diyos ay mapabuti ang ating
kalagayan?
Ang magtiwala ay hindi madali sa
ating mundong ginagalawan. Bakit? Dahil sa dami ng tao na sumisira ng ating
tiwala. May kasabihan tayo, “Huwag kang magtitiwala sa taong nagsasabi na
magtiwala ka sa akin.” Kung susumain natin ang mga kataga na gumigising sa
ating mga isipan tungkol sa pagtitiwala ay kulang ang ating listahan.
Ngunit sa pagkakataong ito, sa
ating Ebanghelyo, hindi sinasabi ng Diyos na siya ay ating pagkatiwalaan.
Bagkus, tayo ay sinasamo ng Diyos na may kalakip ang pagtitiwala natin sa
kanya.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng
pagtitiwala sa Diyos? Ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi kailanman katumbas ng pagwawalang bahala o
pagpapaubaya. Ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi kailanman katumbas ng
paghihintay na lang ng pagbagsak ng gracia mula sa taas. Ang pagpapabaya ay
hindi kailanman katumbas ng pagtitiwala. Ang pagtitiwala ay positibong
katotohanan. Ito ay isang ugali ng
kaluluwa at isip, pagtanggap ng ating pangangailan.
Ang pagtitiwala sa Diyos ay
umpisa lamang ng paglalakbay tungo sa nararapan na pagtugon sa tamang kasagutan
ng ating mga problema. Hindi ito ang solusyon. Sa halip, ito ang nagpapatibay ng
ating kalooban upang patuloy nating alamin ang Kagustuhan ng Diyos sa pagharap
natin ng mga problema.
Magtiwala ka sa Diyos.
Magpakatatag ka na malalampasan mo ang iyong problemang kinakaharam. Ang
pagtitiwala natin sa Diyos ay pagkakaroon ng positibong pag-iisip na kasama
natin ang Diyos sa pagharap natin sa mga balakid ng ating paglalakbay. Ang
pagkakaroon ng positibong panananaw sa mga bagay-bagay na nangyayari sa atin ay
isa sa mga magtutulak sa atin na tumayo sa among bagyong ating haharapin.
Magtiwala ka sa Diyos.
Hinding-hindi ka pababayaan ng Panginoon. Marami sa atin ang makakapagpatunay
na minsan sa ating buhay masasabi natin na dumaan na tayo sa butas ng karayom.
Ngunit sa mga butas na ito, kaginhawaan ang naghihintay sa atin. Hindi tayo
pinapabayaan ng Diyos. Kasama natin siya sa hirap at ginawa. Hinding-hindi tayo
itatakwil ng Panginoon. Sabi nga nila, “Pagkatapos ng bagyo ay mayroon
bahaghari ang ating makikita.” Kung babasahin natin ang Lumang Tipan, ang
bahaghari ay simbolo na hindi tayo nakakalimutan ng Diyos.
Magtiwala ka sa Diyos. Ang
pagtitiwala sa Diyos ay may kalakip na responsibilidad na dapat nating gawin at
ito ay paghahanda ng ating mga sarili. Maghanda ka rin sa iyong paglalakbay.
Totoo na kasama natin ang Diyos at hindi niya tayo pababayaan. Ngunit, tayo rin
ay dapat maghanda upang makayanan natin ang lahat ng unos na dumating sa ating
buhay. Sinasabihan tayo ngayon ng Panginoon na dapat tayo ay maghanda upang
magkaroon ng isang matibay na pundasyong walang bagyo ang makasisira.
May tiwala ka ba sa Diyos?
Magtiwala ka sa Diyos. Magkaroon ng positibong pag-iisip. Matiwala ka sa Diyos.
Pakiramdaman ang presensiya ng Diyos sa ating buhay. Magtiwala ka sa Diyos.
Maghanap sa ating paglalakbay.
Magtiwala ka sa Diyos at
siguradong, ikaw ay magtatagumpay.
5 comments:
Amen
Amen...
Amen..
Salamat sa word of wisdom na na nangaling Mula sa panginoon.tinatanggap ko meaning amen God blessπππ
Amen♥️
Post a Comment