Saturday, August 06, 2016

MAGTIWALA KA SA DIYOS (LUKE 12:32-48)

Magtiwala ka sa Diyos. Madalas natin naririning ang mga salitang ito sa ating mga magulang o sa mga matatanda kapag alam nila na tayo ay may mabigat na dinaraanan. Magtiwala ka lang sa Diyos. Bakit nga ba hindi kung ang kagustuhan ng Diyos ay mapabuti ang ating kalagayan?

Ang magtiwala ay hindi madali sa ating mundong ginagalawan. Bakit? Dahil sa dami ng tao na sumisira ng ating tiwala. May kasabihan tayo, “Huwag kang magtitiwala sa taong nagsasabi na magtiwala ka sa akin.” Kung susumain natin ang mga kataga na gumigising sa ating mga isipan tungkol sa pagtitiwala ay kulang ang ating listahan.

Ngunit sa pagkakataong ito, sa ating Ebanghelyo, hindi sinasabi ng Diyos na siya ay ating pagkatiwalaan. Bagkus, tayo ay sinasamo ng Diyos na may kalakip ang pagtitiwala natin sa kanya.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagtitiwala sa Diyos? Ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi kailanman  katumbas ng pagwawalang bahala o pagpapaubaya. Ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi kailanman katumbas ng paghihintay na lang ng pagbagsak ng gracia mula sa taas. Ang pagpapabaya ay hindi kailanman katumbas ng pagtitiwala. Ang pagtitiwala ay positibong katotohanan. Ito ay isang ugali  ng kaluluwa at isip, pagtanggap ng ating pangangailan.

Ang pagtitiwala sa Diyos ay umpisa lamang ng paglalakbay tungo sa nararapan na pagtugon sa tamang kasagutan ng ating mga problema. Hindi ito ang solusyon. Sa halip, ito ang nagpapatibay ng ating kalooban upang patuloy nating alamin ang Kagustuhan ng Diyos sa pagharap natin ng mga problema.

Magtiwala ka sa Diyos. Magpakatatag ka na malalampasan mo ang iyong problemang kinakaharam. Ang pagtitiwala natin sa Diyos ay pagkakaroon ng positibong pag-iisip na kasama natin ang Diyos sa pagharap natin sa mga balakid ng ating paglalakbay. Ang pagkakaroon ng positibong panananaw sa mga bagay-bagay na nangyayari sa atin ay isa sa mga magtutulak sa atin na tumayo sa among bagyong ating haharapin.

Magtiwala ka sa Diyos. Hinding-hindi ka pababayaan ng Panginoon. Marami sa atin ang makakapagpatunay na minsan sa ating buhay masasabi natin na dumaan na tayo sa butas ng karayom. Ngunit sa mga butas na ito, kaginhawaan ang naghihintay sa atin. Hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Kasama natin siya sa hirap at ginawa. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Panginoon. Sabi nga nila, “Pagkatapos ng bagyo ay mayroon bahaghari ang ating makikita.” Kung babasahin natin ang Lumang Tipan, ang bahaghari ay simbolo na hindi tayo nakakalimutan ng Diyos.

Magtiwala ka sa Diyos. Ang pagtitiwala sa Diyos ay may kalakip na responsibilidad na dapat nating gawin at ito ay paghahanda ng ating mga sarili. Maghanda ka rin sa iyong paglalakbay. Totoo na kasama natin ang Diyos at hindi niya tayo pababayaan. Ngunit, tayo rin ay dapat maghanda upang makayanan natin ang lahat ng unos na dumating sa ating buhay. Sinasabihan tayo ngayon ng Panginoon na dapat tayo ay maghanda upang magkaroon ng isang matibay na pundasyong walang bagyo ang makasisira.

May tiwala ka ba sa Diyos? Magtiwala ka sa Diyos. Magkaroon ng positibong pag-iisip. Matiwala ka sa Diyos. Pakiramdaman ang presensiya ng Diyos sa ating buhay. Magtiwala ka sa Diyos. Maghanap sa ating paglalakbay.

Magtiwala ka sa Diyos at siguradong, ikaw ay magtatagumpay.